PANCIT-LUCBAN o PANCIT- HABHAB:
Taong 1900 ng dumating sa Lucban, Tayabas si G. Clemente Mabalot mula sa Villasis, Pangasinan (dating trabahador doon sa paggawa ng pancit-canton na pag-aari ng isang intsik) upang hanapin ang kanyang kapalaran. Dito niya nakilala at napangasawa ang isang dalagang Lucbanin na ang pangalan ay Petra Bebida. Dito sya nagsimula na gumawa ng sariling bersyon ng pancit-miki, na sa halip na ilabon at i-prito ang miki para tumagal, ay kanya itong ibinibilad sa araw para matuyo.
Feb. 2, 1918 ng isinilang nila ang kanyang panganay na anak na si G. Jose "Pepe" Mabalot Sr., dito nya itinuro ang sikreto ng paggawa ng miking Lucban. Grade V pa lang si Pepe Mabalot Sr. ng mamatay ang kanyang ama na si Clemente, kaya't sa murang edad ay sya na ang nagtaguyod sa kanyang mga nakakabatang mga kapatid.
Sa kabataan ng Pepe Sr., siya na ang gumagawa ng miki, katulong ang kanyang ina at ng tiyo nyang si Luciano "Tano" Bebida- taga-gayat ng minasang miki gamit ang malapad na itak upang gayatin ng manipis ang miki katulong ang ilan nilang trabahador.
Naging supplier sila ng miki dito sa Lucban at ilang karatig bayan tulad ng Tayabas at Sariaya, isang intsik mula sa Sariaya na ang pangalan ay Quintin Ong ang tumangkilik ng kanilang miki. Sa Sariaya din niya nakilala at napangasawa ang dalagang si "Bebeng" Atienza. Naging panganay nilang anak sa mga lalake si Jose "Pepe" Mabalot Jr. (dalawang anak na babae ang sinundan ni Pepe Jr.), na siyang naging katuwang niya sa paggawa ng miki-Lucban, samantalang tagapag-lako naman ng nilutong pancit-habhab ang kanyang tiyo na si G. Epifanio Bebida, na kung tawagin ay "Tiyo Peles".
Isang bagay lang ang meron sa Pepe Sr., na matapos niyang magtrabaho ay mahilig siyang makipag-inuman sa kanyang mga kaibigan, at tuwing siya ay nalalasing, ay ikinu-kwento nya sa mga kainuman ang sikreto sa paggawa ng ng miking-Lucban. Hindi nagtagal at ito'y natutuhan din gawin ng ilang mga Lucbanin na may kakayanang paunlarin ito. Mas naging maayos at de-kalidad ang miking-Lucban dahil sa paggamit ng makinarya sa pag-halo, pag-masa, at pag-gayat ng nayaring miki, at sa halip na ito ay ibilad sa araw para patuyuin..ito ay inihu-hurno para mas lalong tumagal at hindi masira.
Sa ngayon ay patuloy pa rin na tinatangkilik ng maraming tao (na tila walang-umay), Lucbanin man, taga ibang bayan at ibang probinsya, at maging nasa ibang bansa ang lasa at sarap ng Pancit-Lucban o Pancit-Habhab!